Alamat ng Bulkang Mayon

Alamat ng mga Bikolano

Salin sa Filipino ng “The Legend of Mount Mayong” ni Merito B. Espinas

 

Noong unang panahon, sa rehiyon ng Ibalong (matandang pangalan ng Bikol), ay naninirahan ang isang datu. Siya si Datu Makusog (salitang Bikolano, nangangahulugang “malakas”) ng Rawis (salitang Bikolano, ibig sabihin ay “kanal para sa irigasyon/patubig,” isang baryo ito sa lungsod ng Legaspi) at ang asawa niya ay si Dawani (salitang Bikolano, “bahaghari”). Sila’y may isang supling na babae, si Daragang Magayon (salitang Bikolano, nangangahulugang “magandang dalaga”). Ngunit sa kasamaang-palad, agad na binawian ng buhay si Dawani pagkasilang niya sa kanyang sanggol.

Gayunman, lumaki si Magayon na isang marikit, mabait, at malambing na dalaga. Nabihag niya ang puso ng maraming kabinataan sa loob o labas man ng kanilang bayan. Subalit ni isa man sa kanila ay walang pinalad na makamit ang matamis niyang “oo.” Maging ang magandang lalaki’t mapagmalaking si Pagtuga (salitang Bikolano, nangangahulugang “pagputok ng bulkan”), isang mahusay na mangangaso at makapangyarihang datu ng Iraga (salitang Bikolano, ibig sabihin ay “sa kapatagan;” Iriga, Camarines Sur ito sa kasalukuyan) na laging nagpapadala ng mga regalo, gaya ng ginto, perlas, at mga hayop sa ama ni Magayon, ay hindi napaibig ang mahinhing dalaga.

Hanggang sa dumating ang isang lalaking nagngangalang Ulap sa bayan ng Rawis. Tahimik na binata ngunit matapang na mandirigma, si Ulap ay anak ni Datu Karilaya (matandang Bikolanong katawagan sa rehiyon ng Timog Katagalugan). Naglakbay siya nang naglalakad lamang patungo sa Ibalong para lamang masilayan ang napapabalitang kagandahan ni Daragang Magayon. Hindi tulad ng ibang mga manliligaw na pawang mapupusok at may hangin sa ulo, matiyagang naghintay ang tahimik na si Ulap ng pagkakataong ligawan ang dilag. Sa loob ng maraming araw, mga panakaw na tingin lamang ang kanyang nagagawa. Lagi niyang sinusundan ngunit minamasdan lamang mula sa malayo si Daragang Magayon tuwing maliligo ito sa ilog Yawa (isang ilog sa Rawis).

Gayunman, hindi nagtagal at dumating din ang magandang pagkakataong maipakilala ng sumisinta ang kanyang sarili sa lihim na sinisinta. Gabi noon, kararaan lamang ng isang matinding pagbuhos ng ulan. Subalit nagtungo pa rin si Magayon sa ilog para maligo, gaya ng dati. Habang lumalangoy, biglang nagkaroon ng isang malaki’t malakas na agos sa ilog na ikinapahamak ng dalaga. Parang kidlat namang nagtungo si Ulap sa kinaroroonan niya at siya ay sinagip mula sa tiyak na kamatayan. Binuhat ng makisig na binata ang nahintakutang dilag at dinala sa lupa. Ang mga nahintakutan ding katulong ni Magayon ay napatunganga lamang sa dalawa pag-ahon nila sa tubigan.

Anupa’t nagsimula roon ang kuwento ng pag-iibigan ni Magayon at ni Ulap. Sinundan ang gabing iyon ng ilang mga araw na pagkikita at pagniniig sa pagitan ng dalawa.

Dumating ang isang umaga, nagpasya na si Ulap na magtungo sa bahay nina Magayon. Inihagis niya ang kanyang dalang sibat sa tapat ng hagdanan para ipahiwatig na nais niyang pakasalan ang dalagang naninirahan doon. Pinapasok siya ni Datu Makusog sa bahay.

“Ano ang iyong pakay, binata?” tanong ng datu.

“Ako po si Ulap, anak ni Datu Karilaya. Naparito po ako upang hingin ang kamay ng inyong anak. Isinusumpa ko pong aalagaan at mamahalin siya sa habambuhay,” sagot ng binata.

Tiningnan ng ama ang kanyang anak. Namula ang mga pisngi ng nito at napayuko. Naramdaman ni Datu Makusog na si Magayon ay umiibig sa lalaki at alam niyang ito ang kaligayahan ng dalaga, kung kaya’t wala siyang tutol sa kanilang kasal.

“Nakikita ko ang iyong mabuting hangarin sa aking anak. Walang dahilan upang ako ay humadlang. Siya, pumapayag ako sa inyong pag-iisang dibdib,” wika ni Datu Makusog.

Pagkarinig niyon, hindi mailarawan ang nag-uumapaw na kaligayahan sa puso ng magkasintahan. Subalit ang kasal ay gaganapin pa matapos ang isang buwan. Aalis muna si Ulap para maipaalam sa kanyang mga kababayan ang kasal at para makapaghanda sa isasagawang pagdiriwang.

Ang masayang balita ukol sa pag-iisang dibdib ay parang apoy sa talahiban na kumalat, hanggang sa ito’y nakarating kay Pagtuga. Galit na galit ang datu ng Iraga. Isang araw, inabangan nila ng kanyang mga tauhan si Datu Makusog sa pangangaso nito. Dinakip nila ang matanda at ipinarating kay Magayon na kung hindi siya magpapakasal kay Pagtuga, papatayin nila ang kanyang ama at gigiyerahin nila ang Rawis.

Labag man sa kanyang kalooban, pumayag si Magayon sa kagustuhan ni Pagtuga. Mabilis na itinakda ang araw ng kanilang kasal. Ngunit nakaabot kay Ulap ang mga pangyayari. Inihinto niya ang ginagawang mga paghahanda sa kasal sa kanyang bayan at tinipon niya ang pinakamatatapang na mandirigma. Dali-dali silang nagtungo sa Rawis at tamang-tama lamang ang kanilang pagdating sa araw ng kasal nina Pagtuga.

Nagkagulo sa pagdiriwang, at napatay ni Ulap si Pagtuga. Ang masayang si Magayon naman ay tumakbo at niyakap si Ulap. Sa kasamaang-palad, natamaan ng isang ligaw na palaso ang dalaga. Habang lumuluhang hawak ng binata ang naghihingalong kasintahan sa kanyang mga bisig, si Linog (salitang Bikol, ibig sabihin ay “lindol”), isang malaking tauhan ni Pagtuga, ay inihagis ang kanyang sibat sa likod ni Ulap na mabilis na kumitil sa buhay nito. Sa sandaling iyon, si Datu Makusog naman ay binigwasan nang malakas si Linog at sinaksak ito ng kanyang minasbad (salitang Bikolano, “matalas na bolo na ginagamit bilang sandata o pangkatay”).

Labis na nalungkot at hindi nakapagsalita ang mga tao sa trahedyang kanilang nasaksihan. Ang kasiyahan ng pagdiriwang ng kasalan ay napalitan ng paghihinagpis at pagdadalamhati sa mga namatay. Ang luhaang si Datu Makusog ay naghukay ng libingan para kina Ulap at Magayon at doon ay inilibing niya ang magkasintahan.

Sa pagdaan ng mga araw, ang lupang pinaglibingan sa dalawa ay niyanig ng mga lindol at iyon ay tumaas nang tumaas. Nabuo ang isang bundok na may butas sa gitnang naglalaman ng naglalagablab na mga bato at apoy. Ayon sa matatanda, ang mga paglindol daw ay gawa ni Pagtuga, sa tulong ni Linog, na ginugulo ang bulkan para isauli ang mga regalong kanyang ibinigay sa dalaga. Dahil sa isang tradisyon, ang mga bagay na pag-aari ni Magayon, na inihandog ni Pagtuga, ay isinamang ilibing sa kanya.

May mga araw namang natatakpan ng mga ulap ang tuktok ng bulkan. Sabi ng mga matatanda, iyon daw ay si Ulap na hinahalikan si Magayon. Sa mga pagkakataon namang ang ulan ay masuyong pumapatak at dumadaloy sa libis (slope) ng bulkan, iyon daw ay mga luha ni Ulap.

Sa pagtagal ng panahon, ang pangalan ng bulkan na Magayon ay pinaikli at naging Mayong o Mayon na lamang sa kasalukuyan.

 

Batis: 

Eugenio, Damiana. Philippine Folk Literature: The Myths. Lungsod Quezon: UP Press, 1993.

Ang Malaking Baha

Mito ng mga Tinggian

Hango sa “The Great Flood” ni F. Landa Jocano

                Ang mga Tinggian, isang pangkat ng mga taong naninirahan sa mga burol sa dakong loob ng Abra, ay may sarili nilang salaysay tungkol sa Malaking Baha.

Ang pinagsimulan ng matinding sakuna ay ang pagdukot ni Aponi-tolau kay Humitau, isang adang tagapangalaga ni Tau-mari-u, bathala ng karagatan. Heto ang kuwento.

Isang araw, katatapos lamang mangaso sa gubat ni Aponi-tolau. Siya ay humiga at nagpahinga sa lilim ng isang puno. “Hay, nakakabagot naman,” sabi niya sa kanyang sarili habang humihikab. Siya, ang bathala ng kabundukan at bayaning pinapanginoon ng mga Tinggian, ay walang ginawa sa araw-araw kundi ang mangaso at magtanim ng mga halaman at puno sa kagubatan ng kabundukang Cordillera. “Pambihira, wala na akong ibang magawa rito…” Ilang ulit siyang napapabuntunghininga habang nakatingala sa mga dahon ng punong kanyang kinaroroonan.

Maya-maya ay bigla na lamang nagliwanag ang kanyang nababagot na mukha. “Alam ko na! Ano kaya kung bumaba ako? Nagsasawa na ako rito sa kabundukan. Tutungo ako sa kapatagan! Nais kong maglakbay. Bahala na kung saan man ako makarating.” At siya’y masiglang tumayo at naghanda na sa kanyang paglalakbay pababa ng kabundukan.

Pagdating sa kapatagan, ang binata’y naglakad nang naglakad nang walang iniisip na patutunguhan. Walang nakatawag ng kanyang pansin sa paligid. Bagot na bagot pa rin siya. Patuloy siya sa paglakad, hanggang sa siya ay mapadpad sa tabing-dagat. Doon ay biglang nagbago ang kanyang pakiramdam. Ang payapang bughaw na dagat, ang dambuhalang iyon na maamo sa ilalim ng nagniningning na ginintuang araw sa umaga – ay lubhang pinamangha ang bathala. Hindi siya nakatiis sa pang-aakit ng magaganda’t nagsasayawang mga alon. Kung kaya’t gumawa siya ng isang balsang yari sa yantok (rattan) at namangka sa karagatan.

Sumagwan siya nang sumagwan, at siya ay nakarating sa dulo ng mundo. Doon, sa lugar na iyong pinagtatagpuan ng langit at ng dagat, nakakita si Aponi-tolau ng isang napakataas na toreng bato. Iyon ay walang iba kundi ang tahanan ni Tau-mari-u, bathala ng karagatan. Binabantayan iyon ng siyam na naggagandahang mga anak ng damong-dagat (seaweeds). Ang sinag ng araw sa karagatan na naghahatid ng ginto’t pilak na kinang sa luntiang buhok ng siyam na tagapangalaga, ang masasayang pagtatawanan, paglalaro, at paghahabulan ng mga ito, ay labis na humalina sa diyos ng kabundukan.

Nilakasan ang loob, ang mandirigma’t bathala ng mga Tinggian ay nagtungo sa mga pinto ng palasyo.

“Magandang araw. Mawalang-galang na sa inyo, mga binibini. Ibig ko lamang malaman kung ano ang pook na itong aking kinaroroonan?” ang magalang niyang tanong sa maririkit na tagapagbantay.

Subalit pawang mga tawa lamang ang isinukli ng mga diwata sa kanya. Nagtaka si Aponi-tolau. “Ano ito? Magalang ang aking tanong, bakit nila ako pinagtatawanan?” wika niya sa kanyang sarili. “Aba, heto’t niyayaya pa nila akong pumasok sa palasyo, ngunit patuloy pa rin silang nagtatawanan! Pinaglalaruan ba nila ako?” gulat na dagdag pa niya nang makitang iniimbitahan siyang pumasok ng mga nimpa.

Sinundan niya ang magagandang dilag. Ngunit ang patuloy na halakhakan ng mga ito ay nagpapanting sa tainga ng bathala.

“Aaahh!” biglang sigaw niya. “Bakit?! Bakit ang iingay ninyo?! Pinagkakaisahan ninyo ako! Tigilan ninyo iyan!” ang galit na bulyaw niya. Ang mga diwata namang inosente at sadyang masasayahin lamang ay biglang natigilan at natakot. Lalo pa silang nangamba nang ilabas ng diyos ang kanyang mahiwagang kawit (hook), at kanyang inihagis sa mga nimpa.

Nagtilian ang mga nahintakutang tagapangalaga ng palasyo. Natamaan ang pinakabata sa kanila at siyang pinakamaganda, si Humitau. Kinuha siya ni Aponi-tolau. Humiyaw nang napakalakas ang diwata, at nagpumilit pumiglas sa mahigpit na pagkakahuli sa kanya ng bathala. Ngunit ang mahiwagang langis na inilagay ng bathala sa dulo ng kanyang kawit ay pinanghina ang dugo ng nimpa hanggang sa nawalan ito ng malay.

Isang malakas at marahas na pagkakagulo ang sumunod. Nagsigawan ang mga bantay ng palasyo at nagsilabasan sa mga pintuan. Nagmamadaling binuhat ni Aponi-tolau ang walang-malay na diwata, nagtungo sa kanyang balsa, at matuling nagsagwan palayo. Ilang saglit lamang pagkaraang makaalis ng bayaning Tinggian, lumabas buhat sa kanyang silid si Tau-mari-u para tingnan kung ano ang nangyayaring kaguluhan. Subalit huli na ang lahat.

Sa kanyang matinding galit, tinawag ni Tau-mari-u ang mga alon at ang mga tuna ng karagatan. “Hindi ito maaari! Ang pangahas na iyon! Ano ang karapatan niyang umapak sa aking teritoryo? At sinaktan pa ang aking mga diwata! Hulihin ninyo at dalhin ang lapastangang iyon sa akin! Ngayon din!” At hinampas nang malakas ng mga alon ang balsa ng bathala ng kabundukan habang itinutulak naman ito pabalik sa palasyo ng mga tuna.

Gulat at nabalot ng pangamba, humingi ng saklolo si Aponi-tolau sa kanyang ina, si Lang-an ng Kadalayapan, diyosa ng hangin at ulan. Narinig ng ina ang palahaw ng anak at kaagad siyang nagpadala ng malalakas na hangin upang hilahin si Aponi-tolau papuntang pampang. Sa kabila ng pagngangalit ng mga alon at pagpupumilit ng mga tuna, ang bayaning Tinggian ay nakarating sa dalampasigan nang maayos at walang pinsala.

Lalong sumidhi ang galit ni Tau-mari-u. Agad siyang nagpatawag ng pulong sa mga diyos at kalahating-diyos (demigods) ng mga katubigan.

“Mali ang kanyang ginawang panghihimasok sa iyong kaharian!” wika ng isang bathala.

“At isa pa niyang pagkakasala ang pagdukot kay Humitau!” dagdag ng isa pa.

“Hinding-hindi ko siya mapapatawad! Isang tampalasan! Ang aking Humitau, ang kaawa-awa kong Humitau…” humihikbing ngitngit ni Tau-mari-u.

“Huminahon ka, kapatid. Nagkasala siya kaya’t siya’y karapat-dapat lamang na maparusahan. Tutulungan ka namin,” alo naman sa kanya ng kanyang mga kasama.

“Kung gayon, ano ang ipapataw natin sa kanya?”

“Baha. Isang malaking bahang wawasak sa lahat ng mga nasa lupang siyang tirahan ni Aponi-tolau. Ito ang magiging kabayaran sa mga malagim niyang ginawa.”

Mula sa langit ay nabatid ni Lang-an ang kanilang pinaplano. Dali-dali niyang ipinatawag ang hangin sa hilaga at pinababa ito sa lupa upang magbigay ng mensahe sa kanyang anak.

“Anak, bakit mo ba kasi ginawa ang gayon?” tanong ni Lang-an sa anak sa pamamagitan ng hangin.

“Alam ko po ang aking ginagawa, Ina. Ako na po ang bahala sa aking sarili. Magiging asawa ko si Humitau,” paliwanag ni Aponi-tolau.

“May binabalak na masama sa iyo ang mga bathala ng katubigan! Parurusahan ka nila sa iyong ginawa! Gagawa sila ng isang malaking bahang pupuksa sa lahat ng nasa lupa!”

“Hindi maaari!” biglang hiyaw ni Aponi-tolau.

“Anak, dapat kayong umakyat sa pinakatuktok ng kabundukan ng Cordillera para makaligtas. Dalhin mo ang iyong asawa at magtungo kayo roon.”

Sumunod naman si Aponi-tolau. Nagpunta sila sa tuktok ng bundok at naghintay roon. At ang baha’y dumating. Mula sa mga pintuan ng kanyang palasyo, kitang-kita ni Tau-Mari-u ang malalakas na dambuhalang along humampas sa mga kapatagan, umagos sa mga lambak, tumangay at nagwasak sa mga halaman, hayop, at mga taong naninirahan sa lupa. Tumaas nang tumaas ang tubig hanggang sa maabot nito ang tuktok ng bundok. Ilang mga dipa na lamang ang agwat nito sa lugar kung saan naroroon si Aponi-tolau at kanyang asawa.

Binalot ng matinding takot, si Humitau ay napasigaw. “Panginoong Tau-mari-u! Nagmamakaawa ako sa inyo! Hindi na ako marunong lumangoy… at hindi na kailanman makatitira pa sa tubigan… matapos kong makain ang pagkain sa kabundukan na ibinigay sa akin ni Aponi-tolau… Ang pagkaing iyo’y may gayuma… na inalis sa akin ang aking kapangyarihan. Kaya… parang awa n’yo na… Iligtas n’yo kami!” lumuluhang pagsusumamo niya.

Sa kabila ng kanyang galit, ang bathala ng karagatan ay nahabag sa kanyang paboritong diwatang si Humitau. Kung kaya’t tinawag niya pabalik ang mga tubig at alon. Subalit isinumpa niyang magmula noon ay maglulubog siya ng mga sasakyang-dagat at maglulunod ng mga tao hangga’t hindi pinagbabayaran ni Aponi-tolau ang kanyang mga kasalanan.

Nang humupa na ang baha, sina Aponi-tolau at kanyang asawa ay bumaba nang muli sa kapatagan. Sa kanilang dalawa nagmula ang lahat ng mga tao sa sandaigdigan.

 

Batis: 

Eugenio, Damiana. Philippine Folk Literature: The Myths. Lungsod Quezon: UP Press, 1993.

 

Ang Kuwento nina Bugan at Kinggauan: Pag-ibig ng Isang Bathala sa Isang Tao

Mito ng mga Ifugao

Salin sa Filipino ng “The Story of Bugan and Kinggauan: Or the Marriage of a Goddess with a Man” ni H. Otley Beyer

May isang bathala, si Hinumbian, at ang asawa niya ay si Dakaue. Sila ay nagkaanak ng isang babae, si Bugan. Magkakasama silang pamilya sa Luktag (ikalawa sa mga suson o layer ng kalangitan. Ang pinakamataas ay ang Hudog, sunod ay Luktag, pangatlo ay Hubulan, at panghuli ay Kabunian na pinakamalapit sa lupa.).

Noong si Bugan ay dalaga na, inanyayahan siya ng kanyang tiyong si Baiyubibi, bathala ng ulan, na bumaba sa ikatlong rehiyon ng langit na Hubulan. Inimbitahan siya rito sapagkat doon sa Luktag, wala siyang gustong mapangasawa. Pagkarating dito, pinayuhan siya ng kanyang mga kamag-anak na humanap ng mapapakasalan. Ngunit ayaw pa rin niya. Pinababa nila siya sa huling suson ng langit, sa Kabunian. Nanirahan siya sa bahay ni Liddum, tagapangalaga sa Kabunian. Niligawan siya nito, ngunit inayawan niya rin ang inialay nitong pag-ibig.

Malapit sa bahay ni Liddum (ang napangasawa ay nagngangalang Lingan) ay may isang lugar na tinatawag na Habiatan na pinaninirahan ng diyos na gayon din ang ngalan. Dumalaw si Habiatan kina Liddum, at doo’y nakita niya si Bugan. Itinanong niya, “Ang magandang dalagang ito, bakit hindi pa siya nag-aasawa?”

Sinagot siya ni Liddum, “Sinabihan na namin siya, ngunit ayaw niya. Tinanong ko siya kung bakit. At, alam mo ba? Tumawa lamang siya. Kaya’t winika ko, ‘Kung hindi mo gustong mag-asawa rito sa Kabunian, ang mabuti pa’y umuwi ka na roon sa inyo sa Luktag.’ At tumugon siya: ‘Hindi mangyayari iyon. Nais kong manatili rito sa iyong bahay. Ako ang bahala kung kailan ko gustuhing magpakasal. Kapag nakakita o nakatagpo ako ng maiibigan ko, sasabihin ko sa iyo.’”

Pagkarinig niyon, nagsalita si Habiatan. “Kung gayon, pasamahin mo sa akin si Bugan. Dadalhin ko siya sa amin at ipakikilala ko sa aking anak na si Bagilat (diyos ng kidlat).”

“Mabuti nga kung gayon. Tatawagin ko lamang siya,” sang-ayon ni Liddum. Si Bugan ay pumayag naman.

Pagkarating sa Habiatan, dinatnan nila ang binatang si Bagilat na nagtatrabaho. Tinanong ni Habiatan ang diyosa, “O, Bugan, tingnan mo. Hindi ba’t maganda siyang lalaki? Nais mo ba siyang pakasalan?”

Sumagot si Bugan, “Siya? Paano ko siya pakakasalan? Ang tapang at ang bagsik kaya niya. Tingnan ninyo, nakapangingilabot ang paggamit niya sa kanyang nakatatakot na sibat! Hindi rin siya marunong tumigil, takbo siya nang takbo rito sa buong kalangitan, sa hilaga, sa timog, sa silangan, sa kanluran. At higit sa lahat, ayaw ko ng kanyang ginagawang pagwasak sa mga halaman, sa mga puno, at sa mga prutas, dahil baka pati ako ay masaktan niya!”

Pagkatapos ay nawika ni Habiatan, “Naku, maselan ka pala. Pihikan! Mapili! Tunay ngang hindi madali sa iyo ang makapag-asawa. Kung ayaw mo rin lang palang magpakasal, dapat ay bumalik ka na roon sa inyo sa Luktag.”

Sumagot si Bugan. “Ayaw ko nang bumalik pa sa Luktag. Ibig kong magpakasal, subalit doon sa lalaking aking maiibigan. Paumanhin sa inyo. Ako’y aalis na.”

At umalis nga siya sa bahay ni Habiatan. Habang siya’y naglalakad-lakad, napagmasdan niya ang lupa sa ibaba. Maaliwalas at payapa ang panahon kaya maliwanag niyang nakikita ang mundo. Natawag ang kanyang pansin ng isang lugar na tinatawag na Pangagauan. Sa gitna ng gubat doon, may isang Ifugao na nagngangalang Kinggauan – isang binata, nakahubad, walang suot na bahag (sapagkat ang kanyang bahag ay lubhang luma na), at nagtatrabaho. Gumagawa siya ng mga hukay na patibong para sa mga usa, at mayroon siyang tirahang kubo. Nang makita siya ay biglang naibulalas ni Bugan: “O! Kaawa-awang lalaki! Kahabag-habag ang kanyang kalagayan!” At, walang anu-ano’y tumakbo siyang pabalik sa Luktag. Ipababatid niya sa kanyang ama, si Hinumbian, na ibig niyang bumaba sa daigdig at pakakasalan niya si Kinggauan.

Pumayag naman ang kanyang ama, at siya nga ay bumaba sa mundo. May dala-dalang isang lalagyang naglalaman ng lutong kanin at isang bahag, nagtungo si Bugan sa kubo ni Kinggauan. Pagkapasok, kanyang itinanong, “Sino ang nagmamay-ari ng kubong ito?”

Nagulat si Kinggauan at siya’y agad na nagtago. “Ako,” sagot niya sa nagtanong, “ngunit ako’y nahihiyang lumabas sapagkat babae ka at wala  akong suot.”

Wika naman ni Bugan, “Di bale! Hindi ka dapat mahiya. Heto, may dala akong bahag para sa iyo.”

Ngunit hindi pa rin lumabas ang lalaki dahil sa hiya. Kung kaya’t inihagis na lamang ni Bugan ang bahag na kinuha’t isinuot naman ni Kinggauan. Laking gulat ng lalaki nang makita ang babae at winika, “Bakit ka naparito? Hindi mo ba alam na isang malaking kamalasan kapag ang babae ay nakipagkita sa lalaki habang gumagawa ng mga patibong sa pangangaso?”

Sagot naman ng babae, “Bahala ka sa iyong iniisip, ngunit sinasabi ko sa iyo: sa halip na kamalasan, isang malaking suwerte ang darating sa iyo dahil sa akin. Sa ngayon, halika, sabay tayong kumain at matulog dito sa iyong bahay. Bukas na bukas din, makikita natin ang iyong suwerte sa pangangaso mo.”

Nang sumunod na araw, pinuntahan nila ang mga patibong na hinukay ni Kinggauan, at ang mga iyon ay punung-puno ng mga hayop. Pinatay ni Kinggauan ang mga nahuli at buong araw ay wala siyang ginawa kundi iyon at ang pagdadala ng mga ito sa kanyang kubo. Nagtira lamang siya ng dalawang buhay na hayop – dalawang biik, isang lalaki at isang babae – na pinaalagaan niya kay Bugan.

Kinabukasan, inusisa ni Bugan si Kinggauan. “Matanong ko lang, bakit mag-isa ka lang na naninirahan sa ganitong klase ng lugar?”

“Dahil ang mga magulang ko ay mahirap lamang at sila’y kuripot. Hindi nila kayang ibigay ang aking pangangailangan,” malungkot na sagot ng lalaki.

“Halika. Pumunta tayo sa inyo,” biglang yaya ng babae.

“Ha? A… e…”

“Sige na. Gusto kong makita ang mga magulang mo,” pangungulit ni Bugan.

Napapayag naman si Kinggauan. Iniwan nila ang kubo pati ang mga nahuling hayop. Ang dala lamang nila’y ang dalawang biik. Nagtungo sila sa Kiangan kung saan naroon ang mga magulang ng binata.

Unang pumasok sa bahay si Kinggauan, kasunod si Bugan. Dinatnan nila roon ang kanyang ina. Nagulat ang matanda, “Aba, sino ang babaeng ito?”

“Naroroon lamang po ako sa aking bahay nang bigla siyang lumitaw. Ni hindi ko nga po alam kung saang lupalop siya nanggaling.”

Ang matandang nanatili sa pagkakaupo, matapos mapagmasdan ang dalawa, ay tinanong si Bugan. “Binibini, ano ang iyong pangalan? At saan ka ba nakatira?”

Sumagot ang dalaga. “Ako po si Bugan, anak nina Hinumbian at Dakaue, isa po akong bathala sa rehiyon ng langit na tinatawag na Luktag. Subalit ako po ay bumaba rito sa lupa, sapagkat nais ko pong samahan ang inyong anak. Nakita ko kasi siyang nag-iisa at lubhang nalulungkot. Naawa ako kaya dinalaw ko siya sa kanyang bahay at pinagkalooban ng suwerte sa pangangaso. A, siya nga po pala, bukas po, dapat tayong magpadala ng mga tao roon sa kubo niya upang kunin ang napakaraming mga hayop na kanyang nahuli.”

Namangha ang matanda sa mga sinabi ni Bugan. Nagkataong ang pangalan ng ina ni Kinggauan ay Bugan din, na may karugtong na na kantalao.

Hindi naglaon, nagpakasal ang binata at dalaga, ngunit hindi maringal (enggrande) o pormal na kasal. Nagsilang si Bugan ng isang malakas na sanggol na lalaking pinangalanan niyang Balituk. Ang mga biik na dinala nila ay lumaki na at nagkaroon na rin ng anak.

Sapagkat galing sa langit, si Bugan ay hindi kumakain ng mga pagkaing gaya ng kinakain ng mga tao. Ang gusto lamang niya ay kanin, mga ibon, at karne ng mga hayop na nahuhuli ng kanyang bana (asawang lalaki). Ang mga tao sa kanilang lugar ay hindi siya nagustuhan dahil hindi niya sila katulad, isa siyang estranghero sa kanila. Lalo pang tumindi ang kanilang inggit at galit sa kanya nang makita nila ang napakarami niyang alagang mga ibon at baboy. Pagkatapos ay kanilang nalamang ayaw ni Bugan ng ilang mga gulay at isda. Kung kaya’t isang araw ay pinalibutan nila ang bahay niya ng mga ito. Nagtagumpay sila, at si Bugan ay nagkaroon ng matinding pangangati sa katawan at mataas na lagnat. Lumisan siya sa kanyang bahay at nanirahan sa ibang lugar, habang si Kinggauan naman ay tumira sa isang kamalig o imbakan ng mga bigas. Subalit ang mga tao sa pook na kanyang tinuluyan ay nagalit din sa kanya at naglagay na naman ng mga gulay at isda sa kanyang paligid. Hindi siya gumaling sa sakit at nagdulot pa ang mga ito ng pagsusuka.

Bunga ng masasamang pakana ng mga tao, iminungkahi ni Bugan kay Kinggauan na pumunta sila sa langit, sa Luktag, kasama ang kanilang anak. Sinagot siya ni Kinggauan, “Gusto sana kitang samahan, Mahal, ngunit lubha akong natatakot na umakyat sa gayong kataas na lugar. At isa pa, tirahan iyon ng mga bathala. Ako’y isang hamak na tao lamang.”

“Walang dahilan para ka matakot, Mahal,” sabi naman ni Bugan, “dahil ako mismo ang magdadala sa iyo sa itaas gamit ang ayud (isang uri ng duyan). Ako ang bahala sa iyo.”

Ngunit anumang pilit na gawin ni Bugan, hindi naisantabi ni Kinggauan ang kanyang takot.

Naisipan ni Bugan na gumamit ng lubid. Una siyang umakyat sa langit bitbit ang kanilang anak. Siya’y nakarating na sa itaas, subalit si Kinggauan ay hindi sumunod sa kanya. Kung kaya, bumaba siyang muli, bitbit pa rin ang kanilang anak at hinarap ang bana.

“Ano ka ba naman, Kinggauan? Alam mo naman ang ginawa sa akin ng mga kababayan mo. Matindi ang galit nila sa akin sukdulang ikamatay ko. Kailangan kong lisanin ang inyong bayan. Ngunit ayaw mo namang sumama sa akin sa Luktag…. A, ang tanging magagawa natin ay hatiin ang ating anak.”

“Ano?!” gulat na tanong ni Kinggauan.

Ngunit bago pa man siya nakatutol, nakakuha na ng kutsilyo si Bugan at hiniwa ang batang si Balituk. Hinati niya ito sa gitna, sa bandang baywang. Ang ulo at itaas na parte ng katawan ay ibinigay niya kay Kinggauan sa pag-iisip na mas madali para sa banang buhaying muli ang bahaging ito. Sa kanya naman ang ibabang parte hanggang paa. Ang mga lamang-loob, bituka, puso, atay, maging ang dumi ng bata ay pinaghahati rin ni Bugan at ibinigay ang mga kalahati sa kanyang bana. Pagkatapos nito, umakyat na si Bugan sa langit. Doon ay binugahan niya ng hininga ng buhay ang dala-dala niyang bahagi ng kanyang anak. Ito ay nabuhay muli at naging isang bathalang pinanatili ang pangalang Balituk.

Sa kabilang dako, ang mga bahaging kay Kinggauan ay nabulok at nasira, dahil isa lamang siyang tao at wala siyang alam at kakayahan sa pagbuhay muli ng mga patay. Ang mabaho at umaalingasaw na amoy ng mga nabulok na laman at lamang-loob ay umabot sa tirahan ni Bugan sa Luktag. Nagtungo siya sa Kabunian para malaman kung ano iyon, at natagpuan niya ang mga bahagi ng katawang iniwan niya kay Kinggauan. Labis siyang nahabag at naghinagpis sa nakitang nangyari sa anak. Bumaba siya sa Kiangan at doo’y pinagalitan at sinumbatan si Kinggauan. “Ano’ng ginawa mo sa anak natin?! Ang tindi mo! Wala kang awa! Wala kang silbi! Binulok mo siya! Bakit wala kang ginawa? Bakit hindi mo siya binuhay?!”

“Ngunit ano’ng magagawa ko?! Ano’ng alam ko sa pagbuhay ng tao? Wala akong kapangyarihan para gawin iyon! Tao lamang ako, Bugan!” pangangatuwiran ni Kinggauan.

Sa huling sinabi ng kanyang bana ay nagimbal si Bugan. Nawika niya sa sarili, “Hangal! Isa akong hangal! Tao lamang siya! Bakit nawala sa isip ko ang bagay na iyon?!” Pagkatapos ay nagmadali siyang kunin ang mga nabulok na bahagi ng anak niya. Maingat niyang tinanggal ang mga nasirang parte at inihiwalay ang mga ito. Sa mga nalabing bahagi, ang ulo ay ginawa niyang kuwago, isang panggabing ibong tinatawag na akup ng mga Ifugao. Sa ibong ito nagsimula ang isang pamahiin ng mga Ifugao – nagdadala ang akup ng kamalasan, kung kaya’t dapat silang mag-alay ng mga ibon kay Bugan upang hindi na sila lapitan o gambalain ng akup.

Ang mga tainga naman ay itinapon ni Bugan sa gubat at tumubo ang mga ito sa mga puno bilang mga mapanganib na halamang-singaw (isang uri ng fungi). Ang ilong ay inihagis din niya sa gubat at ginawang isang uri ng mga kabuteng nakadikit din sa mga puno. Ang dumi naman ng anak ay ginawa niyang tuka ng isang maliit na ibong tinatawag na ido* na nagpapasya ng kapalaran o kamalasan ng tao.

Sa nabubulok na dila ay gumawa siya ng isang sakit – pamamaga ng dila ng mga tao – na magagamot lamang ng nilagang itlog o manok na iaalay nila kay Bugan.

Mula sa mga tadyang ay lumikha siya ng mga makamandag na ahas. Mula sa puso, gumawa siya ng bahaghari. Mula sa mga daliri, gumawa siya ng mga kabibe, mahahabang kabibeng parang mga daliri. Ang buhok naman ng anak ay itinapon niya sa tubig, at iyon ay naging maliliit na bulati at uod. Sa balat ay gumawa siya ng isang ibong kulay pula, ang kukuk. Sa dugo ay lumikha siya ng maliliit na mga paniki (litalit). At gamit ang atay, gumawa siya ng isang sakit sa dibdib ng mga tao. Mula sa mga bituka, lumikha siya ng medyo malalaking hayop na kahawig ng kuneho o daga (amunin?). At gamit ang mga buto ng braso, gumawa siya ng mga bulok na kahoy na nahuhulog mula sa mga puno at bumabagsak sa mga taong naglalakad.

Ang mga nilikhang ito ni Bugan ay pawang mga bagay na mapanira sa mga tao, bilang ganti at parusa sa kanilang mga ginawang pagpapahirap sa kanya noong siya ay namumuhay sa mundo.

* Ang ido, o idu, ay ang tawag ng mga Ifugao sa masasamang espiritu. May  maliliit na ibong kulay puti at itim na tinatawag nilang pitpit at pinaniniwalaan nilang nagtataglay ang mga ito ng masamang espiritu. Ang mga ibong ito ay tinatawag din nilang ido. Kapag ang isang Ifugao ay naglalakbay at nakakita siya ng ibong ito at narinig niya itong humuni, agad siyang hihinto sa paglakad at mananawagan sa ibon. Tatanungin niya ito kung saan siya marapat pumunta at bakit. Kapag lumipad ang ibong ito pasulong o sa gilid, magandang senyales ito; ngunit kapag lumipad ito pabalik, at humuni sa takot, babala ito sa masamang mangyayari, kaya ititigil na ng tao ang kanyang lakad at uuwi na muna para ipagpatuloy sa ibang araw ang kanyang paglalakbay.

 

Batis: 

Eugenio, Damiana. Philippine Folk Literature: The Myths. Lungsod Quezon: UP Press, 1993.


By salamisim Posted in mito